GMA proud of homegrown talent Alden Richards
Muling pumirma ng kontrata sa GMA Network ang phenomenal Kapuso star at Pambansang Bae na si Alden Richards nitong Martes, September 27, kasama ang ilan sa network executives.
Nagpapasalamat ang "Eat Bulaga!" host at "Sunday Pinasaya" star sa patuloy na pag-aalaga sa kaniya ng GMA, at hindi niya raw pinagsisihan ang pagiging isang loyal Kapuso.
Matatandaang maliban sa commercials na kaniyang pinagbidahan, unang napanood si Alden sa telebisyon bilang isang aktor sa Kapuso fantasy-horror drama series na "Alakdana."
Lalo pang nakilala ang kaniyang talento sa pag-arte nang gumanap siya bilang Jose Rizal sa docu-drama na "Ilustrado," at naparangalan bilang Best Drama Actor sa 29th PMPC Star Awards for Television noong 2015.
Ayon sa Kapuso heartthrob, "Masaya ako to still be a part of GMA. Since I started, all the people have been supporting me and guiding me. They always say na loyalty is the key. It is everything. Loyalty will pay off sooner or later, at 'yun ang naging working ethic ko with GMA. I remain loyal to the network regardless of the circumstances that passed and that's up ahead."
"The network has been very good to me, very supportive. I feel safe with GMA, I'm at home and it's where my heart is... I can't imagine transferring to another home. They have been showing me nothing but support, care, and love. I don't see myself moving out of my home network," dagdag pa niya.
@aldenrichards02 renews contract with GMA Network, more projects with @mainedcm in the works. @gmanews pic.twitter.com/6mIhXZL1rN
— Bianca Rose Dabu (@biancadabu) September 27, 2016
Ikinagagalak naman ng GMA Network executives ang patuloy na pagtitiwala ni Alden.
Maliban sa pagiging isang magaling at sikat na artista, hindi rin daw matatawaran ang kabutihang ipinapakita ng aktor sa kahit na sinong makakasalamuha niya.
"Kung hindi siya ang pinakamagaling, isa siya sa pinakamagagaling na artist ngayon. Pero hindi 'yun ang katangian niya na I'm very proud of. Mas ipinagmamalaki kong hindi umaakyat sa ulo niya ang kaniyang kasikatan. Homegrown 'yan, at kung paano siya noon, ganoon pa rin siya ngayon," ayon kay GMA Network CEO Atty. Felipe L. Gozon.
Dagdag naman kay GMA Network President Mr. Gilberto R. Duavit, "Isa siyang ehemplo ng kabataan na hindi naapektuhan ng pag-angat ng career. Patuloy siyang nagiging ehemplo sa mga kabataan, sa mga Pilipino. We're very proud and happy. Siguradong malayo pa ang mararating ni Alden. Nagpapasalamat tayo sa patuloy niyang pagtitiwala. Makakaasa siya na nandito lang tayong lahat sa likod niya."
Marami na raw nakalatag na proyekto para sa Pambansang Bae, lalo na ngayong napatunayan niyang bukod sa drama ay mayroon rin siyang talento sa hosting at pagpapatawa.
"May mga programa sa telebisyon, at marami pang iba. Patuloy pa rin ang developmental projects for him. Nakikita natin na may lawak ang talento niya—puwede siyang mag-host, puwede siyang dramatic actor. So we will continue to work towards better honing his many talents," pahayag ni Duavit.
Ayon naman kay Alden, "That's something to look forward to, and that's very exciting. In everything that we do, we make sure na nagle-level up."
Matutuloy na nga ba ang bali-balitang teleserye nila ng Kalyeserye Sweetheart at "Eat Bulaga!" Dabarkads na si Maine Mendoza.
Maikling sagot ni GMA Senior Vice President for Entertainment TV Lilybeth Rasonable, "Sobra kaming excited sa pine-prepare namin. Pero sabi nga ng 'Eat Bulaga,' ire-reveal namin 'yan sa tamang panahon. Malapit na. Kaunting tiis na lang." —NB, GMA News