Alden, biyaheng London para sa show; bakasyon nila ni Maine sa Europe, nakaplano na
Bumiyahe na papuntang United Kingdom ang Kapuso actor na si Alden Richards para sa kanyang show sa London. Hindi man niya kasama sa biyahe ang ka-love team na si Maine Mendoza, inihayag naman ng aktor na may nakatakda na silang bakasyon sa Europe.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing excited si Alden sa kaniyang pagpunta sa London dahil first time niyang makakarating sa UK na kabilang sa mga lugar na pangarap niyang marating.
Kasabay ng gagawin niyang pagtatanghal sa mga kababayang Kapuso sa London, naglista rin si Alden ng lugar na kaniyang papasyalan.
"'Yung dans les noit, 'yung restaurant na kakain ka pero pitch black, tapos, of course, 'The Eye,' Buckingham Palace. Pupunta rin po kami sa Stone Hands, naka-schedule na po," masaya niyang pagbahagi.
Sa mga ganitong pagkakataon lang daw talaga naisisingit ni Alden ang pag-iikot at pagre-relax.
Sasamantalahin na rin daw niya pananatili ng ilang araw sa London para mapanood ang kaibigang si Rachelle Ann Go sa West End.
"Hopefully, makanood ako ng 'Les Miserables' sa West End. Opo, talagang 'yon din po ang isa sa mga nilu-look forward ko na I wanna see Rachelle Ann," dagdag niya.
Bagaman hindi niya kasama sa London si Maine, sinabi ni Alden na may nakatakda na silang bakasyon na gagawin sa Europe sa Oktubre.
"For a personal trip, we're going to London po [sa] end of October, London and Germany," ani Alden. "No work po 'yon, that's a personal trip, bakasyon po." -- FRJ, GMA News