Mark Anthony Fernandez, lusot sa isa niyang kaso
Ibinasura ng korte sa Pampanga nitong Huwebes ang isa sa mga kasong isinampa ng pulisya laban kay Mark Anthony Fernandez kaugnay sa pagkakahuli sa kaniya dahil sa pag-iingat umano ng marijuana.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "Saksi," sinabing mahigpit ang seguridad kay Mark Anthony nang ilabas ng kulungan at dalhin sa Hall of Justice ng Angeles, Pampanga.
Ibinasura ng korte ang kasong possession of drug paraphernalia laban sa aktor dahil wala raw sa inventory ng pulis ang "grinder" na sinasabing nasa sasakyan ng aktor.
Hindi rin natuloy ang pagbasa ng sakdal kay Mark Anthony ng Metropolitan Trial Court Branch 1 para naman sa kasong simple resistance and disobedience dahil pagharurot umano ng aktor sa police checkpoint nang sitahin noong Lunes ng gabi.
Ipinagpaliban ang pagdinig sa naturang kaso dahil humiling ng reinvestigation ang kampo ng aktor.
Ipinagpaliban din ang arraignment kay Mark Anthony ng Regional Trial Court Branch 60 ang mas mabigat na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa nakuha umanong isang kilo ng marijuana sa kotse ng aktor.
Sa nakaraang panayam, iginiit ni Mark Anthony na may naglagay lang ng naturang marijuana sa kaniya, bagay na itinanggi naman ng mga pulis.
Naghain din ng mosyon sa dalawang korte ang kampo ni Mark Anthony para ilipat ang detensyon ng aktor sa Pampanga Provincial Jail sa San Fernando, mula sa Angeles City Jail, na puno na umano ng bilanggo. -- FRJ, GMA News