Mga labi ni Elizabeth Ramsey, inilipat ng libingan; Jaya, tahimik sa banat ng kapatid
Mula sa Antipolo City, hinukay para ilipat ng libingan sa kaniyang bayan sa Negros Occidental ang mga labi ng binansagang Queen of Rock and Roll ng Pilipinas na si Elizabeth Ramsey.
Ginawa ang paghimlay sa mga labi ni Elizabeth sa bago nitong libingan sa San Carlos City sa paggunita ng unang taon ng kaniyang kamatayan.
Pumanaw si Elizabeth sa edad na 83 noong nakaraang taon matapos magkaroon ng ilang komplikasyon sa kalusugan hanggang sa tuluyan nang hindi magising.
READ: Elizabeth Ramsey dies in her sleep at 83
Sa GMA News report ni Aubrey Carampel, sinabing ang anak ni Elizabeth na si Susan ang nagpahukay sa mga labi ng ina para ilipat sa Carlos City kung saan nakahimlay ang iba nilang kaanak.
Ayon kay Susan, noon pa man daw ay hiniling na ng kaniyang ina na sa San Carlos City siya ilibing. Pero gusto raw ng kaniyang half-sister na si Jaya na i-cremate ang kanilang ina.
"It was Jaya's wish to cremate her not my mom's wish," ani Susan." In her deathbed 'yon pa rin ang sinasabi ng mama ko na kung ano mangyari sa kanya ilibing siya huwag siyang i-cremate."
Naglabas pa ng sama ng loob si Susan kay Jaya na pinabayaan daw at hindi binibisita ang kanilang ina kahit sa mga mahalagang okasyon tulad ng Pasko.
"How many times na naabutan ko ang nanay ko na nakatira sa bahay na may mga daga. She live in a mansion, she can't even put her mother in a decent house. What kind of daughter is that," paratang pa ni Susan.
Idinagdag nito na inilayo umano ni Jaya ang sarili sa kanilang pamilya nang magkapangan na ito.
"She closed her door to her family when she became Jaya," patuloy ni Susan na umaming nasaktan nang sabihan umano siya ni Jaya na hindi sila magkapatid dahil magkaiba ang kanilang ama.
Sa text message na ipinadala ni Jaya sa GMA News, sinabi ng mang-aawit na ayaw na niyang magsalita tungkol sa isyu bilang respeto sa kanilang namayapang ina.
Kaugnay nito, balak umano ni Susan na maglabas ng libro tungkol sa naging buhay ng kaniyang inang si Elizabeth. -- FRJ, GMA News