Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jiro Manio to AiAi Delas Alas: 'Ni-rescue mo ako'


Hindi napigilan ni AiAi Delas Alas na maiyak sa sinabi sa kaniya ng anak-anakan na si Jiro Manio nang magkita sila sa wellness facility kung saan sumasailalim sa rehabilitasyon ang dating child star.

Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas nitong Biyernes, sinabing pinayagan ng wellness center ang GMA News na makunan ang pagkikita nina AiAi at Jiro sa tinatawag na "guided dialogue."

Ang "guided dialogue" ay bahagi ng rehab program kung saan inaanyayahan ang taong malapit sa taong sumasailalim sa rehabilitasyon para ihayag ng huli ang kaniyang mga nararamdaman.

Hindi umano batid ni Jiro na darating nang araw na iyon si AiAi kaya biglaan at hindi inihanda ang anumang sasabihin niya sa kaniyang nanay-nanayan.

"Nagpapasalamat ako, hindi dahil tinulungan mo ako, dahil ni rescue mo ako," pahayag ni Jiro kay AiAi, na hindi napigilang maiyak.

"Saka humihingi ako ng tawad dahil wala akong nagawa nung time na parang naguguluhan ako," ayon pa sa dating aktor.

Matatandaan na nakita noong nakaraang taon si Jiro na nagpapalaboy-laboy sa terminal 3 ng airport at umaasa lang sa bigay na pagkain ng mga tao.

Kaagad na tumulong si AiAi kay Jiro na kaniyang naging anak sa ilang pelikula.

Ipinasok niya ito sa rehab center at patuloy na tinulungan.

Pagkaraan ng ilang buwan sa center, makikita ang mabuting pagbabago sa dating child star na maaliwas ang mukha at bumilog din ang katawan.

Ayon kay Jiro, tatapusin niya ang programa sa kaniyang rehabilitasyon dahil nais na niyang magbago at magkaroon ng mabuting buhay.

"Sa totoo lang kinalimutan ko na ang nakaraan kung anuman ang nangyari sa akin, wala na sa isip ko. Ayoko nang balikan pa yung masasamang bisyo," aniya. -- FRJ, GMA News

Tags: jiromanio