Sneak peek at Kim Domingo's Ginebra calendar
Ipinakilala na bilang 2017 Calendar Girl ng Ginebra San Miguel ang Kapuso actress at “Pantasya ng Bayan” na si Kim Domingo.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, aminado si Kim na nakakaramdam siya ng kaba lalo na't ang mga sinusundan niyang yapak ay mula sa pinakamalalaking artista sa industriya, tulad na lamang ng “Encantadia” star na si Solenn Heussaff at Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Gayunpaman, malaking karangalan raw ang maging endorser ng isa sa pinakakilalang local brand.
Aniya, “Malaking pressure, kaya pinaghandaan kong mabuti. Nag-start akong mag-gym one month ago. Sinabayan ko rin ng diet. Malaki talaga ang paghahanda ko, at tinuloy-tuloy ko na."
"Nandoon talaga ang dedication ko na pagbutihin ang trabaho ko at maipakita na deserving akong maging 2017 calendar girl," dagdag pa niya.
Maliban sa pagiging calendar girl ng nasabing brand, si Kim rin ang pinakabagong muse ng Ginebra San Miguel basketball team.
“Gusto kong makilala ang basketball team ng Ginebra at makapanood ng live game. Excited na rin akong makilala ang mga tao sa likod ng Ginebra, at sa paglibot ko sa iba't ibang sulok ng Pilipinas para sa events ng Ginebra,” ayon sa aktres.
“Cheeky and geeky” ang tema ng limang layout para sa 2017 calendar ng Ginebra, kung saan tampok ang “fun side” ng Kapuso actress. —JST, GMA News