Driver na may 'third eye,' tampok sa Halloween specials ng 'Karelasyon'
Sa huling kuwento ng kababalaghan na handog sa Halloween special ng "Karelasyon," matutunghayan ang kuwento ng isang taxi driver na may kakaibang abilidad--ang makakita at makipag-ugnayan umano sa mga pumanaw na.
Gagampanan ng Kapuso actor na si Rocco Nacino sa episode ng "Karelasyon Present: Third Eye,' ang karakter ng taxi driver na si Jason, na may kakayahang makuha ang mensahe ng mga sumakabilang buhay na.
Pero ang hindi inaasahan ni Jason, maging ang kaniyang anak ay gagambalain ng isang kaluluwa na makakaapekto sa kaniyang pamilya.
Ano nga ba ang pakay ng naturang ligaw na kaluluwa sa kaniya at sa kaniyang pamilya? O may kinalaman ito sa kaniyang nakaraan?
Kasama ni Rocco sa "Karelasyon Present: Third Eye,' sina Ryza Cenon, Caprice Cayetano, Divine, Ben Isaac, Elora Escano, Linda Villalobos at Sue Prado.
Mula sa panulat ni Honee Alipio at direksyon ni Zig Dulay.
Mapapanood ang "Karelasyon" kasama si Carla Abellana tuwing Sabado pagkatapos ng "#Like." -- FRJ, GMA News