ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Betong Sumaya at Sef Cadayona, mapapanood na rin sa mga teleserye


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maliban sa iba't ibang Kapuso comedy shows, sasabak na rin sa teleserye ng GMA Network ang mga batikang komedyante na sina Betong Sumaya at Sef Cadayona.

Sa renewal ng kani-kanilang mga kontrata bilang mga Kapuso nitong Huwebes, ibinahagi ng dalawa na malapit na silang mapanood sa mga programang hindi talaga temang pang-comedy.

Ngayong taon, nakatakdang mapanood si Betong sa star-studded cast ng remake at retelling ng hit telefantasya na “Encantadia.”

“Isa akong engkantado na nasa mundo ng mga tao. May mga engkantado kasing mas piniling manirahan doon... Dati, ginagawa lang namin yung 'The Making' ng 'Encantadia.' Ngayon, naging part na. Ang sarap sa feeling,” ayon kay Betong.

Kabilang daw sa mga nakasama na ni Betong sa shooting si Sanya Lopez, na nagbibigay-buhay kay Sang'gre Danaya.

Para naman sa susunod na taon, mapapanood si Sef sa isang Kapuso teleserye.

“Nabigyan ako ng chance na mag-crossover sa teleserye. Next year, malalaman niyo na kung ano 'yon,” pagbabahagi niya sa panayam ng GMA News.

Dugtong ni Betong, “Ibang Sef Cadayona ang makikita niyo doon. Hindi niyo aakalain na, 'Oh, si Sef Cadayona 'yon.'”

Kasama nila sa ginanap na renewal of contract ang mga kilala ring komedyante na sina Pekto at John Feir.

 

 

Nagpapasalamat sina Sef at Betong sa tiwalang patuloy na ipinagkakaloob sa kanila ng GMA at ng mga manonood.

Ayon kay Sef, “Nagpapasalamat kami sa tiwala na ibinigay. Magsisilbi itong inspirasyon sa amin para mas pagbutihin pa ang trabaho at pagandahin ang craft namin.

“It's a big challenge. This means na mas maraming dapat patunayan, mas maraming dapat i-level up para mas lalo pang matuwa ang audience natin,” pagtatapos ni Betong.

 

 

Napapanood ang dalawa sa longest-running Kapuso comedy gag show na “Bubble Gang.”

Patuloy din na magpapasaya si Sef sa “A1 Ko Sa'yo,” habang kasama naman si Betong sa upcoming Pinoy superhero series na “Tsuperhero.” -- FRJ, GMA News