Aljur Abrenica, nag-sorry sa GMA Network dahil sa isinampa niya noon na reklamo
Kasabay ng pag-apologize, inamin ng Kapuso actor na si Aljur Abrenica na mabigat ang kalooban niya nang maghain siya noon ng reklamo laban sa GMA Network.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, nag-sorry si Aljur sa ginawa niyang paghahain ng reklamo noon kaugnay sa kontrata niya bilang Kapuso.
"Whatever happened before, sasabihin ko ulit para ma-clear na natin [na] I apologize sa nangyari before. And looking forward ako na makatrabaho pa yung iba't ibang mga artista rito," saad ng aktor.
Magugunitang naghain ng reklamo si Aljur noong 2014 sa Quezon City Regional Trial Court dahil nais niyang ipag-utos ng korte na pakawalan na siya sa kaniyang kontrata sa GMA na magtatapos pa sa 2017.
Pag-amin ni Aljur, mabigat ang kalooban niya noong maghain siya ng reklamo dahil sa GMA siya nagsimula nang manalo sa "Starstruck."
Ngayon, hindi maikakailang aktibo na muli ang career ng aktor mula sa paggawa ng pelikula, mga TV shows at guestings.
Bukod sa mga proyektong ibinibigay ng GMA, masaya rin si Aljur sa kanyang personal na buhay dahil nagkabalikan sila ng kaniyang nobya at kapwa Kapuso star na si Kylie Padilla. -- FRJ, GMA News