4th Impact, binigyan ng P1-M ni Willie Revillame para ipambili ng sasakyan
Maliban sa pagtupad ng pangarap na makapagtanghal sa entablado ng “Wowowin” nitong Lunes, natupad na rin ang pangarap ng Filipino girl group na 4th Impact na magkaroon ng sarili nilang sasakyan.
Hindi man sila pinalad sa “Pera o Kahon” segment ng naturang programa, nakatanggap naman sila ng P1 milyon mula sa host na si Willie Revillame, na naantig umano sa kuwento ng magkakapatid na sina Almira, Celina, Irene and Mylene Cercado.
Kuwento ni Almira, “Sabi niya, 'Ang tagal niyo nang kumakanta, wala pa kayong sasakyan?' On-air, sinabi niya, 'Bibigyan ko na lang kayo ng sasakyan!'”
“After ng show, sabi ni Sir Willie, 'Bibigyan ko na lang kayo ng one million, kayo na bahalang mamili ng sasakyan,” dugtong ni Mylene.
Maagang pamasko mula kay Willie ang natanggap ng 4th Impact, na nakilala sa buong mundo nang magpabilib sa “X Factor UK.”
Malaking tulong rin daw sa kanila ang bigay ng batikang host, lalo na't sinusuportahan nila ang kanilang pamilya at nag-iipon rin ng pampagot sa kanilang amang may sakit.
Kuwento ng magkakapatid, “Kahit naging 5th place kami sa X Factor UK, wala kaming price na nakuha. Nakakaipon kami tuwing may kanta kami sa labas.”
Ngayong darating na December 3, magaganap sa Kia Theater ang “4th Impact Invasion,” ang 10th anniversary concert ng magkakapatid.
Nakatakda rin silang bumalik sa United Kingdom sa susunod na taon upang magtanghal pa sa iba't ibang lugar doon. —Bianca Rose Dabu/KBK, GMA News