Nora Aunor, may pakiusap sa mga nanggagaya sa kaniya
May isang pakiusap ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor sa mga nanggagaya sa kaniya o sa kaniyang mga impersonator, na dapat nang itigil. Panoorin.
Isa si Nora Aunor o Ate Guy sa mga showbiz personality na madalas gayahin ng mga impersonator gaya nina Ate Gay, Teri Aunor at iba pa.
Pero sa kaniyang pagbisita sa programa ni Regine Velasquez na "Sarap Diva," may pakiusap si Ate Guy sa mga nanggagaya sa kaniya na itigil ang pag-arte na itinataas ang isang daliri na nakaturo sa itaas.
"Hindi ako naggaganyan, sila ang naggaganyan," saad ni Ate Guy patungkol sa pagturo ng isang daliri na paitaas.
Hiniling niya, hindi dapat gayahin ang naturang pag-arte ng mga gumagaya sa kaniya.
"Kaya kung pupuwede, yung mga gumagaya sa akin nang laging [naka]ganun, 'wag. Kasi...hindi siguro naman fair para dun sa mga ginawa kong movie na hindi naman ganun yung ginawa kong movie... na hindi naman ganun yung ginawa kong acting," paliwanag niya.
Biro ni Ate Guy, sa halip na pagturo ng isang daliri na paitaas, ang gawin na lang daw ng kaniyang mga impersonator ay nakatikom na kamao.
-- FRJ, GMA News