ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mas mababang kita sa takilya, inaasahan sa 2016 MMFF


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi itinanggi ng isang miyembro ng Metro Manila Film Festival Executive Committee (MMFF ExeCom) na maaaring mas mababa ang kikitain ng walong pelikulang kalahok ngayon sa taunang film festival kumpara noong nakaraang mga taon.

Bunga ito nang hindi pagkakasali sa "magic eight" ng mga pelikulang pinagbibidahan ng mga artistang kilala na malakas ang hatak sa takilya.

"Maaaring gumuho ang kita," saad ni ExeCom member at aktres na si Boots Roa-Rodrigo sa press conference na ginanap sa Quezon City nitong Huwebes.

Nitong nakaraang taon, umabot sa mahigit P1 bilyon ang kinita ng walong pelikulang kalahok sa MMFF.  Dalawa sa mga pelikula na tumabo nang husto sa takilya ay ang "My Bebe Love" at "Beauty and the Bestie."

READ: MMFF 2015 entries earn P1.002 billion as of January 6

Ang "My Bebe Love" ay pinagbidahan nina Vic Sotto at AiAi Delas Alas, kasama sina Alden Richards at Maine Mendoza, habang sina Vice Ganda at Coco Martin naman ang nanguna sa "Beauty and the Bestie."

Noong 2014 MMFF, umabot din sa mahigit P1 bilyon ang kita sa takilya ng walong kalahok na pelikula. Kasali rin ang mga pelikulang pinagbibidahan nina Vic (My Big Bossing), Vice (The Amazing Praybeyt Benjamin 2), at pelikula ni Coco at Kris Aquino (Feng Shui 2).

Ngayong 2016, hindi nakasali ang pelikulang kalahok ni Vic na si "Enteng Kabisote 10 With the Abangers," at ang "The Super Parental Guardians" nina Vice at Coco.

Sa pagpili ng mga pelikulang ipalalabas ngayong 2016 MMFF, higit daw na binigyan pansin ng pamunuan ng film festival ang kalidad ng mga pelikulang kalahok.

Pero paglilinaw ni Roa-Rodrigo, hindi naging basehan sa pagpili ng mga pelikula kung ito man ay tinatawag na mainstream o indie movie.

READ: MMFF 2016 ExeCom erases indie, mainstream divide: 'Film is film'

Sakabila nito, tiwala pa rin si Roa-Rodrigo, na magiging maganda pa rin ang resulta sa takilya ng walong kalahok na pelikula na simulang ipalalabas sa mga sinehan sa darating na Pasko, Disyembre 25.

"Naniniwala kami na 'pag magaling ang produkto mo, it will really just take introducing your products to the market...marketing them well," saad ng opisyal.

Sinabi rin ni Moira Lang, miyembro rin ng ExeCom, walang pelikulang kalahok na magiging "first day-last day" sa sinehan at sisikapin nilang tumagal ang mga ito na ipinapalabas.

Umaasa ang pamunuan ng MMFF na kikita ang mga pelikulang kalahok lalo na kung malalaman ng tao na maganda ito.

“Kapag kumalat na yung good word of mouth, pagpunta ng mga tao na hindi pa nakakapanood dapat nandun pa rin yung palabas nila," paliwanag ni Lang.

Ang mga pelikulang mapapanood sa 2016 MMFF ay ang:

WATCH: Trailers for 2016 MMFF entries

Die Beautiful -- pinagbibidahan ni Paolo Ballesteros sa direksyon ni Jun Robles Lana.

Kabisera-- pinagbibidahan ni Nora Aunor,  kasama sina Ricky Davao, Perla Bautista, at Ces Quesada, sa direksyon ni Arturo “Boy” San Agustin at Real Florido.

Vince, Kath and James-- pinagbibidahan nina Julia Barretto, Joshua Garcia, at Ronnie Alonte, sa pamamahala ni Direk Theodore "Ted" Boborol.

Saving Sally--pinagbibidahan nina Rhian Ramos, Enzo Marcos, at TJ Trinidad sa direksyon ni Avid Liongoren.

Seklusyon -- pinagbibidahan nina Dominic Roque, Ronnie Alonte, John Vic de Guzman, at JR Versales, sa direksyon ni Erik Matti.

Sunday Beauty Queen -- isang documentary-drama sa ilalim ng pamamahala ni Direk Babyruth Villarama-Gutierrez.

Oro--pinangungunahan ni Joem Bascon sa pamamahala ni Direk Alvin Yapan.

at Ang Babae sa Septic Tank 2: Forever is Not Enough-- pinagbibidahan nina Eugene Domingo at Jericho Rosales sa pamamahala ni Direk Marlon Rivera. -- Jessica Bartolome/FRJ, GMA News