ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

MMFF 2016: Live animation movie 'Saving Sally,' 10 years in the making


Kakaiba ang isa sa walong pelikulang kalahok sa 2016 Metro Manila Film Festival (MMFF) na "Saving Sally," na pinagbibidahan ng Kapuso star na si Rhian Ramos.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA news "24 Oras" nitong Sabado, sinabing isang dekada o 10 years in the making ang "Saving Sally," na isang live animation movie.

Tumagal umano ang pagkakabuo sa pelikula dahil naging mabusisi ang pag-shoot ng mga eksena mula sa blue background nito, pag-animate, pag-edit, at paglapat ng iba't ibang kulay at tunog para makabuo ng isang world-class animated movie.

 

 

Limang animators lang umano ang nagtulong-tulong at nagtrabaho para sa pelikula na ginawa lang sa isang bahay.

Pagmamalaki ng direktor ng "Saving Sally" na si Avid Liongoren, napiga ang galing ng mga nakatrabaho niya sa pelikula pagdating sa animation at paggawa ng istorya para mapaganda ang kanilang produkto, at mahusay na mga artista.

Dagdag pa ni Direk Avid, nagugulat daw ang mga nakapanood na sa pelikula at hindi sila makapaniwala na kayang gawin ng mga Pinoy ang naturang estilo ng produksyon.

Iikot ang kuwento ng "Saving Sally" sa pag-ibig, relasyon at pakikitungo sa mga magulang. Bagay na kailangang mapanood umano ng mga kabataang Pinoy.

Isa raw ito marahil sa dahilan kung bakit napili ang "Saving Sally" sa walong maglalaban-laban sa MMFF 2016.

Kasama ni Rhian bilang pangunahing bida sa pelikula sina TJ Trinidad at Enzo Marcos.

Bukod sa "Saving Sally," kalahok din sa MMFF ngayong taon ang "Kabisera," “Die Beautiful,” “Vince, Kath and James,” “Seklusyon,” “Sunday Beauty Queen,” “ Ang Babae sa Septic Tank 2: Forever is Not Enough,” at “Oro.” -- FRJ, GMA News