Derrick, nais na maging inspirasyon para makapagbago ang mga kabataang naligaw ng landas
Gumawa ng paraan ang "Tsuperhero" star na si Derrick Monasterio para hindi makansela at matuloy ang pagpunta niya sa isang pasilidad sa Bulacan na tinutuluyan ng ilang kabataang naligaw ng landas.
Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago, sinabing nag-adjust ng oras ng taping si Derrick upang mapuntahan at hindi makansela ang nakatakda niyang pakikipagtipon sa naturang mga kabataan.
Pagdating sa naturang lugar, nagsigawan na ng "Tsuperhero" ang mga kabataan dahil pinapanood umano nila ang show ng Kapuso hunk actor.
"Yung 'Tsuperhero' kasi tito [Lhar], marami ring aral na mapupulot ka do'n eh. Hindi lang siya puro suntukan, puro fight scenes. Bawat kwento nu'n, may puso talaga," saad ni Derrick.
Ang mga kabataan, nagpakitang-gilas naman sa inihanda nilang mga sayaw, at hindi naman naging maramot si Derrick sa pagpuri sa kanila.
"Ang nakakatuwa du'n tito, kahit nasa loob sila, yung government natin ay gumagawa ng paraan para maging productive sila, lumabas yung mga artistic side nila," dagdag ng aktor.
Nagbahagi rin mga regalo si Derrick kasama ang grupo ni Father Dennis Espejo, at ang Starstruck Avenger na si James Teng.
"'Yon naman ang Christmas, spirit of Christmas is giving, making people happy. So, 'yon po talaga 'yung parang pinaka-base no'n. 'Pag nagawa mo 'yon, parang nakaka-fulfull," aniya.
Unang pagkakataon pa lang na nakaharap ni Derrick ang mga kabataang naligaw ng landas at nais daw niyang matulungan ang mga ito at makapagbigay ng inspirasyon kaya ipinangako niya sa sariling babalik siya sa naturang lugar. -- FRJ, GMA News