ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

After meeting: Animal welfare group dismayed by MMFF, Oro response to controversy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naging usap-usapan kamakailan lamang ang reklamong inihain ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) kaugnay ng isang eksena sa 2016 Metro Manila Film Festival entry na “Oro,” kung saan makikitang kinakatay ang isang aso upang kainin.

Dalawang araw lamang mula nang ibahagi ng PAWS ang kanilang liham sa mga bumubuo ng MMFF, agad na nagpatawag ng pagpupulong ang executive committee ng film festival upang mapag-usapan ang isyu.

Naroon sa nasabing pagpupulong ang mga kinatawan mula sa PAWS, MMFF, at “Oro.”

Sa isang post sa Facebook, nagpahayag ng pagkadismaya si Anna Cabrera, executive director ng PAWS, tungkol sa pulong.

"Didn't want my first post for 2017 to be negative but today's meeting with MMFF re: animal cruelty in the film 'ORO' was very disappointing. Editing out that portion where the dog was killed does NOT change the fact that a dog was killed for this movie. A crime has been committed. The film makers lied to the MMFF ExCom by initially saying that 'no animal was killed'. And get this- the only thing that MMFF EXCOM has agreed to do is to show the film with the 'disturbing portion' edited out,'" ani Cabrera.

"So this is how they sweep animal cruelty under the rug in showbiz: edit it out."

Ayon sa Instagram post ng MMFF spokesperson na si Noel Ferrer, labas na umano sa isyu ang MMFF sa usaping legal, kabilang ang paglabag umano ng pelikula sa Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act.

Sa isang pahayag, itinanggi ng direktor ng Oro na si Alvin Yapan na kinatay nila ang aso para kunan sa pelikula.

"Hindi po totoo na pumatay kami ng aso para lang sa pelikula," ani Yapan. Itinanggi rin nito na umutos siya ng isang aktor upang magkatay ng aso.

"Sa probinsiya po may mga nakatalaga talagang tagapatay ng aso, baboy, baka, etc." ayon sa direktor.

Dagdag pa niya, walang kinain na aso sa set ng pelikula.

Giit pa ng mga bumubuo  ng “Oro,” maglalabas na lamang sila ng disclaimer tungkol sa graphic content na mapapanood sa pelikula, at isasapubliko rin umano nila ang kanilang paninindigan sa pakikipaglaban para sa karapatan ng mga tao at hayop.

Bukod pa riyan, nangako rin sila na maglalabas ng bagong bersiyon ng pelikula kung saan hindi na mapapanood ang kontrobersyal na eksena.

Pero para sa mga animal advocate, hindi sapat ang pag-edit lamang ng eksena mula sa pelikula.

"If you cannot pull out the showing of a film whose production hides behind the technicality of having no DIRECT HAND in the animal cruelty, some degree of ethics must dictate deep within that you have to at least let them know that their complicity in the matter - filming a crime and using it for their entry - is unacceptable," ayon kay Cabrera.

Ayon sa post ni Ferrer, handa nang ituloy ng PAWS ang pagsasampa ng kaso laban sa mga filmmakers ng Oro. —JST, GMA News