Ryza Cenon, may pakiusap sa mga nagagalit sa kaniya dahil sa role niya sa 'Ika-6 Na Utos'
Dahil sa mahusay niyang pagganap bilang si Georgia, ang kontrabidang kabit sa GMA Afternoon series na "Ika-6 Na Utos," hindi maiwasan na may mga nagagalit sa Kapuso actress na si Ryza Cenon.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nakatatanggap ng mga banta mula sa mga basher si Ryza dahil sa panloloko at pang-aapi nito kay "Emma," na ginagampanan ni Sunshine Dizon.
Sa naturang serye, kinaibigan ni Georgia si Emma, para maakit at makuha ang mister ng huli na si Rome, na ginagampanan ni Gabby Concepcion.
At kahit na may tagong relasyon na ngayon sina Georgia at Rome, patuloy na nagkukunwari si Georgia na tunay siyang kaibigan ni Emma.
Kaya ang ibang netizen na sumusubaybay sa serye, labis ang galit kay Georgia at nais nilang ipatikim sa aktres ang ginagawa nitong pang-aapi kay Sunshine.
"Kapag nakita daw nila ko, sasabunutan daw nila ko, sasampalin nila ko, bubuhusan nila ko ng asido sa mukha," pagbahagi ni Ryza sa mga natatanggap na banta.
Pero sa kabila nito, natutuwa si Ryza na may kasamang takot dahil pagpapakita raw ito na epektibo ang kaniyang pagganap sa karakter ni Georgia.
"Nakakatuwa na nararamdaman nila, napi-feel nila yung eksena. [Pero] Siyempre may konting takot 'pag naglalakad ka sa public baka bigla na lang ngang may sumabunot sa'yo or sumampal sa'yo," dagdag niya.
Panawagan ni Ryza sa mga nagbabanta sa kanya, "Naku po, 'wag po kayong maapektuhan nang bonggang-bongga. Hindi ko po siya ginagawa sa totoong buhay, character lang po siya."
Nilinaw din ng aktres na sa tunay na buhay ay hindi siya mang-aagaw ng asawa dahil binatang-binata ang boyfriend niyang si Cholo Barretto, na kasama raw niya ng halos buong Christmas season.
Naipakilala na raw nila ang isa't isa sa kani-kanilang pamilya. -- FRJ, GMA News