PAWS, hiniling sa Directors' Guild of the Philippines na i-ban ang direktor ng 'Oro'
Nananatiling mainit ang usapin sa kontrobersiyal na eksena sa pagpatay umano ng tunay na aso sa isang eksena ng pelikulang "Oro." Ang isang animal rights group, nais na ipa-ban ang direktor ng naturang pelikula.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing hiniling ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa Directors Guild of the Philippines, na i-ban ang direktor ng "Oro" na si Alvin Yapan.
Sa liham umano ng PAWS, nakasaad na napatunayan na nagsinungaling daw si Yapan tungkol sa pagpatay sa isang aso sa naturang pelikula, na kabilang sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Tila nalinlang din umano nito ang mga manonood nang palabasin na paglalarawan lang o hindi totoo ang ginawang ang pagpatay sa aso sa kontrobersiyal na eksena sa pelikula.
Kasabay nito, nagpahayag din ng pagkadismaya dahil sa kontrobersyal na eksena ang film director at dog lover na si Mark Reyes.
Ayon kay direk Mark, tila nakalimot umano ang mga bumubuo ng "Oro" na mundo lamang ng imahinasyon ang isang pelikula, maliban na lang kung isa itong documentary.
"So if you're doing a film about cannibals, you should eat real people? Ganoon lang ang logic nun," tanong ni direk Mark. "There's so many ways, Mr. yapan, there's so many ways to do a film, there's no reason for you to kill an animal."
Sa pahayag ng PAWS, ipinunto ng grupo ang mga kasinungalingan umano na gianwa ng producer at direktor ng "Oro" nang hindi nila sinabi na totoong aso ang namatay sa shooting.
Inamin din umano ng direktor ng "Oro" sa isang miyembro ng executive committee ng MMFF na binili nila ang aso sa may-ari nito. Sadya raw ibinibenta ng may-ari ang aso para katayin.
Ayon naman kay MMFF Execom member Liza Diño-Seguerra, ipinahinto na ang pagpapalabas ng "Oro" sa mga sinehan simula nitong Martes.
At kahit extended ang pagpapalabas ng mga kalahok MMFF films sa mga sinehan hanggang Enero 7, hindi makakabalik ang "Oro" hangga't hindi nila nagagawa ang ilang kondisyon na ibinigay ng MMFF.
Kabilang dito ang pag-alis sa eksena kung saan pinatay ang aso, at kailangang ipasuri nila ito sa MMFF at Movie Television Review and Classification Board.
Dapat din umanong maglagay sila ng balala na may maseselang eksena ng karahasan sa tao at hayop na mapapanood sa pelikula.
Inatasan din ang producer ng "Oro" na makipagtalakayan sa PAWS.
Ilang ulit umanong sinubukan ng GMA News na hingan ng pahayag ang producer ng "Oro" pero hindi ito sumasagot, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA News