ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dennis Trillo, naghahanda na para sa seryeng 'Mulawin vs Ravena'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bukod sa gaganaping "Sikat Ka Kapuso" concert sa California, naghahanda na rin ang Kapuso leading man na si Dennis Trillo para sa upcoming action-fantaserye na "Mulawin vs Ravena."

Sa panayam ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules,  sinabing nasa pitong kanta ang inihahanda ni Dennis para sa "Sikat Ka Kapuso" concert na gaganapin sa January 22 sa Terrace Theater sa Long Beach California.

Maraming umanong dapat abangan sa kanilang show kung saan makakasama niya ang rumored girlfriend na si Jennylyn Mercado. Nandoon din sina Alden Richards, Lovi Poe, Tom Rodriguez at Betong Sumaya.

"May duet po kami ni Jennylyn Mercado tapos marami kaming prod numbers kasama sina Tom, si Alden, si Betong. Magkakasama kaming kumanta, meron din silang mga solo numbers, ganu'n din si Lovi," kuwento ni Dennis.

Dahil magkakasama silang mga Kapuso artist, sasamantalahin na rin daw nilang mag-bonding kahit sandaling panahon.

Pagkagaling sa Amerika, muling aalis si Dennis papunta naman sa Europa.

"Naplano po 'yon na matagal na. So pagkabalik namin, bago magsimula ulit magtrabaho, meron lang kaming short vacation," aniya.

Pagkatapos ng maikling bakasyon, sasabak na si Dennis sa trabaho para sa telefantasyang "Mulawin vs Ravena."

Excited na raw ang aktor dahil pagkaraan ng ilang taon ay muli siyang gagawa ng telefantasya .

At habang maaga pa, naghahanda na umano si Dennis.

"Kinakabahan ako at na-e-excite at the same time. As early as now, sinisimulan ko na rin yung preparation, nagwo-workout dahil siyempre meron d'yang...marami d'yang mga fight scene na naka-costume. Para maganda rin ang hitsura," ani Dennis. -- FRJ, GMA News