Which Hollywood movie inspired Jak Roberto's screen name?
Mula nang pumasok siya sa showbiz ilang taon na ang nakararaan, nakilala na si Jan Rommel Roberto bilang Jak Roberto.
Lingid sa kaalaman ng marami, may nakakatuwang inspirasyon ang napiling screen name para sa Kapuso heartthrob at "Meant To Be" star.
Kuwento niya sa "Tunay Na Buhay" nitong Miyerkules, "I was named after Jack Dawson, 'yung nasa Titanic."
"Nasa Tagaytay kami noon, tapos sumigaw ako ng 'I'm the king of the world!' Sabi nila, puwede akong maging Jak Roberto," dagdag pa ng Kapuso actor
Tulad ng ilang Kapuso artists ngayon, ang yumaong Master Showman na si German "Kuya Germs" Moreno ang naging daan upang makilala si Jak sa industriya.
"Ang ina-eye talaga ni Kuya Germs before is 'yung co-talent ko, si Mara Alberto. Tapos, ako, sinabit lang ako ng manager ko," kuwento ni Jak.
Dugtong ng kaniyang talent manager na si Frank Mallari, "Since si Kuya Germs, alam niyo naman, mabait, lahat gustong bigyan ng chance, isinama na rin siya. Mas nakita niya eventually 'yung value ni Jak."
Mula noon, nabigyan na siya ng mga role sa iba't ibang teleserye, kabilang na ang "With A Smile," "The Half Sisters," at "Pari 'Koy," pati na ang comedy shows na "Bubble Gang" at "Dear Uge."
Ngayong 2017, kabilang rin si Jak sa mga bida sa "Meant To Be," ang pinakabagong GMA Primetime series kasama nina Barbie Forteza, Ken Chan, Addy Raj, at Ivan Dorschner.
"Una kong nakilala si Jak, talagang pursigido na siya. Alam niya kung ano ang ginagawa niya. Dumating 'yung projects sa kaniya, so 'yung pinaghirapan niya, nagbubunga na talaga. I'm really happy for him," ayon kay Ken.
Mapapanood ang "Meant To Be" gabi-gabi sa GMA Primetime, pagkatapos ng "Alyas Robin Hood." —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News