Mga bagong rebelasyon, bagong karakter at bagong set sa extended na 'Encantadia'
Bukod sa mga bagong rebelasyon, bagong set at pinaganda pang effects, dapat din umanong abangan ng mga manonood sa extended na "Encantadia" ang mga bagong karakter na kabilang sa naunang "Encantadia" noong 2005.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing may malaking digmaan at kaguluhan na magaganap sa kahiraan ng "Encantadia," na patuloy pang mapapanood sa primetime block ng GMA.
Kakambal daw nito ang mga bagong rebelasyon sa istorya at mga ipakikilalang bagong tauhan. Kabilang dito ang tinatawag na "Mang-kao" na isa rin sa mga magdadala ng ibang gulo sa kaharian.
Makilala na rin ang buong pagkatao ni Aquil, na ginagampanan ni Rocco Nacino.
"Makilala ang background, ang past niya kung bakit hawak niya ang 'Hirada' sword ng kanyang tatay," anang aktor.
Sabi naman ni Direk Mark Reyes, "Si Amaro, ang ama ni Aquil magpapakita na rin. Hulaan niyo kung sino ang darating na artista para ganapan yung special role na 'yon."
Bukod sa mga bagong tauhan, may mga bagong set din na aabangan sa "Encantadia," at ang mas pinagandang "CGI" at effects na first time rin mapapanood on Philippine tv.
Patuloy ni direk Mark, "May mga nawala na, na magbabalik at may mga galing sa una [Encantadia 2005] na magbabalik." -- FRJ, GMA News