ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

2016 MMFF Best Supporting Actor na si Christian Bables, gaganap sa 'Magpakailanman'


Matapos hangaan sa kanyang pagganap bilang "Barbs" sa "Die Beautiful," mapapanood naman sa isang episode ng "Magpakailanman" ang 2016 Metro Manila Film Festival Best Supporting Actor na si Christian Bables.

Sa Starbites report ni Lhar Santiago sa "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing marami ang naaliw at napabilib sa pagganap ni Christian bilang best friend na beki ng karakter ni Paolo Ballesteros sa comedy-drama movie na "Die Beautiful."

Ngayon naman, may panibagong hamon kay Christian sa kaniyang pagganap sa "Magpakailanman," bilang lalaki at binatang dumanas ng hirap sa buhay pagkaraang magkasakit ng tipos.


Makakasama rito ni Christian, ang premyadong actress-director na si Gina Alajar at si Allan Paule.

"Nu'ng una kong nabasa yung script, natakot ako kasi ang laking ano nito, ang laking responsibility nit. Kasi dati, sanay tayo na support lang, ngayon nabigyan tayo ng lead role, so medyo kinabahan ako," ayon kay Christian.

Bukod kay Direk Maryo J. Delos Reyes, malaki rin daw ang nagawa ni Ms. Gina para mawala ang kaba ni Christian sa shooting.

"Sabi niya, nanay na lang daw po itawag ko sa kanya. 'Yun pa lang, tito Lhar, sobrang generous niya na as an actress ,na bine-break niya yung wall naming dalawa," paliwanag ng young actor.

Nagpapasalamat din si Christian na binigyan siya ng bida role ng "Magpakailanman," dahil ang role na gagampanan niya ay isang tunay na lalaki.

Gayunman, sinabi Christian na hindi niya isinasara ang kanyang pinto sa pagganap muli sa gay o transgender role bilang isang aktor. -- FRJ, GMA News