Robin Padilla sa ex-girlfriend na si Vina Morales: 'Ninang ka ha'
Labis na ikinatuwa ng singer-actress na si Vina Morales ang imbitasyon ng kaniyang dating nobyo na si Robin Padilla na maging ninang ng anak nila ni Mariel Rodriguez na si baby Isabella.
Ang kahilingan ni Robin ay makikita sa Instagram account ni Vina nang i-post nito ang larawan nila ng aktor nang dumalo sila sa isang event sa Malolos, Bulacan.
Saad ni Vina sa caption ng larawan nila ni Robin, " It's always fun singing with you bin @robinhoodpadilla. Walang kupas ang iyong Kabaitan, Sama na ang kagwapuhan haha. Alam ko yan ang mas gusto mo marinig haha, happy that you're with your family now."
Sa comment section naman makikita ang kahilingan ni Robin kay Vina: "@robinhoodpadilla Ninang ka ha @vina_morales."
Sinagot naman ito ni Vina ng, "Wow bin I'm touched, salamat sa tiwala. Yes from Ninang Vina Always praying for your family @marieltpadilla @robinhoodpadilla."
A photo posted by Vina Morales (@vina_morales) on
Ilang pelikula ang pinagtambalan ng dating magkasintahan na sina Vina at Robin noong 1990's tulad ng "Utol Kong Hoodlum."
Isinilang ni Mariel si Baby Isabella noong nakaraang Nobyembre sa Amerika.
Ilang linggo pa lang ang nakararaan nang makapiling ni Robin ang kaniyang mag-ina (Read: Robin, nakapiling na ang kaniyang mag-inang sina Mariel at baby Isabella). -- FRJ, GMA News