Kim Domingo, may payo sa mga gaya niyang maraming haters
Hindi pa rin tinatantanan ng mga basher ang Kapuso Pantasya ng Bayan na si Kim Domingo. Gayunman, nananatili naman siyang positibo at hindi nagpapaapekto sa mga taong nanlalait at nambabastos umano sa kaniya.
Kalakip ng isang Instagram post ng kaniyang seksing larawan, inihayag ni Kim na hindi siya nagtataka o nakakaramdam ng galit at inis sa mga basher.
Saad niya sa caption sa larawan, "Para sa akin, kahit gaano mo pa gawing perpekto ang sarili mo, kahit balot na balot ka pa, kahit ikaw pa ang pinakamabait at pinakamahinhin na babae sa mundong ito, hindi pa din mawawala ang basher/hater/ dahil hindi lahat ng tao mapi-please natin.”
Sabi pa ng Kapuso star, masaya siya sa kaniyang buhay at maraming biyayang dumarating.
"Hindi 'yon matutumbasan kahit milyong-milyong pa kayong manghusga at mang-bash sa'kin," aniya.
At mensahe niya sa mga katulad niyang maraming "haters;" "Pinakahuli, para sa mga katulad ko na maraming haters, always remember to be yourself and don't let them affect you darling."
-- FRJ, GMA News