Kris Bernal, dalawang karakter ang gagampanan sa 'Impostora'
Magkahalong kaba at excitement umano ang nararamdaman ng Kapuso actress na si Kris Bernal ngayong nalalapit na ang pagpapalabas ng GMA Afternoon Prime series na “Impostora,” ang remake ng 2007 teleserye na pinagbidahan nina Sunshine Dizon at Iza Calzado.
Bibigyang-buhay ng aktres ang karakter na si Nimfa, na inilarawan niya bilang “mahirap at ipinanganak na hindi ganoon kaganda. Simple lang, at lagi siyang inaasar ng mga tao na 'Nimfanget.'”
A photo posted by Kris Bernal (@krisbernal) on
Gagampanan rin ni Kris ang karakter na si Rosette, na siyang magiging panibagong katauhan ni Nimfa matapos siyang sumailalim sa facial reconstruction surgery.
Aniya sa panayam ng “24 Oras” nitong nakaraang linggo, “Dalawa sila noon, ngayon isa lang ako. Gagawin ko pareho, so very pressured ako. Pero I've done a lot of research and done a lot of workshops.”
“Yes! Lalaban ako! Let's see the fun and the chaos in portraying a dual role! At ang powers ng surgery!” pahayag niya naman sa isang Instagram post.
Makakasama ni Kris sa bagong GMA Afternoon Prime sina Dominic Roco, Ryan Eigenmann, Elizabeth Oropesa, Vaness del Moral, Assunta de Rossi, James Blanco, at marami pang iba.
Makakapareha rin niya sa kauna-unahang pagkakataon ang Kapuso leading man na si Rafael Rosell.
Ayon kay Kris, “First time kong magiging leading man si Rafael, at very thankful ako sa GMA dahil iniikot talaga nila ako (para makita) kung kanino ako puwedeng ipares... Lahat talaga, ibinuhos na nila sa akin. Ginawa akong host ng 'Starstruck,' binigyan ako ng iba't ibang challenging at lead roles. Lahat talaga.”
Abangan ang mga bagong karakter na bibigyang-buhay ni Kris sa GMA Afternoon Prime ngayong taon! —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News