Regine Velasquez, sinabing marunong ng 'gay lingo' ang anak na si Nate
Dahil maraming kaibigang bading, marami ring gay lingo na alam ang mag-asawang Regine Velasquez at Ogie Alcasid, na madali ring ma-pickup ng anak nilang si Nathan o Nate. Pero papaano kung maging bading si Nate paglaki? Alamin ang sagot ni Regine.
Sa isang panayam nitong Martes, ibinahagi ng Asia's Song Bird kung paano natuto ang kanilang anak na si Nate ng lengguwahe ng mga bading.
"Kuwento ng teacher niya sa akin, tinanong daw si Nate, 'Oh, where's your mom? She didn't bring you to school.' Ang sagot niya, 'Ay naku. My mommy's barlog. She's tired. She came from a show,'" kuwento ni Regine.
Ang "borlogs" ay ang gay lingo para sa salitang "tulog."
Dugtong ni Regine, "Baka sa asawa ko pa nakuha 'yon. Mahilig kasi siyang mag-gay language. Pati si Leila (Alcasid), tinuturuan niya ng gay lingo. Nakakatawa."
Hindi raw issue kay Regine na natututo ng gay lingo si Nate. Katunayan, tuwang-tuwa pa ang singer-actress habang nagkukuwento sa showbiz press.
"Bata pa naman 'yon... At saka ganoon naman na tayong magsalita ngayon. 'Yung asawa ko nga, ganoon din. Walang problema," paliwanag niya.
Matapos ang nakatutuwang kuwento ni Regine, hindi naiwasang may magtanong kung ano ang magiging reaksiyon niya sakaling maging bading si Nate.
Ayon sa Asia's Songbird, "Siyempre, pinape-pray ko na hindi. Pero kung mangyari 'yon, anong gagawin ko? Just accept it. Nothing wrong with it. Hindi naman 'yon sakit."
"As long as he'll be happy, he knows what's rigth and wrong, may respeto siya sa mga tao at sa amin, he knows Jesus Christ, we're good," dagdag pa niya.
Pinaghahandaan ngayon ni Regine ang nalalapit na pagpapalabas ng pinakabagong Kapuso comedy musical show na “Full House Tonight,” na kabibilangan nina Joross Gamboa, Solenn Heussaff, Bianca Umali, at Miguel Tanfelix.
Kasama rin ang mga batikang komedyante na sina Philip Lazaro, Kim Idol, Terry Gian, Sarah Pagcaliwagan, Tammy Brown, at Nar Cabico.
Mapanonood ang bagong programa ng GMA Network na "Full House Tonight" simula sa darating na Sabado, February 18, pagkatapos ng “Magpakailanman.” -- FRJ, GMA News