Ilang Miss Universe beauties, 'di muna umuwi para mamasyal sa Pilipinas
Mahigit isang linggo matapos ang 65th Miss Universe pageant, ilang kandidata ang piniling manatili muna sa Pilipinas para patuloy na makapamasyal.
Sa ulat ng GMA News "Unang Hirit," sinabing kabilang sa mga Miss Universe beauties na hindi muna bumalik sa kanilang bansa ay si Miss US Virgin Islands Carolyn Carter.
Kabilang umano sa mga lugar na pinuntahan ni Carolyn ay ang makasaysayang Intramuros sa Maynila, at bumiyahe rin siya patungong Palawan.
Ikatlong beses na raw siyang nakabisita sa bansa at narating na niya ang Cebu, Bohol, Boracay, Pagudpod at Baguio.
Kasama naman ang pamilya, nanatili rin sa bansa para makapamasyal si Miss Germany Johanna Acs, na namangha sa ganda ng El Nido, Palawan.
Ang isla naman ng Boracay ang naging destinasyon ni Miss Israel Yam Kaspers Anshel. Habang si Miss Belize Rebecca Rath, nag-enjoy sa Puerto Galera.
Bago umuwi sa kanilang bansa, nilibot naman ng half-Pinay na si Miss New Zealand Tania Dawson ang Cebu, at tiniyak na muli siyang babalik sa Pilipinas. -- FRJ, GMA News