ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
SA 'ENCANTADIA'

Diana Zubiri sa pagkawala ni Kylie Padilla: 'Sana mapunan namin yung pagkawala niya'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Aminado si Diana Zubiri na hahanap-hanapin ng mga manananood si Kylie Padilla bilang si Reyna Amihan na biglang nawala sa "Encantadia" dahil sa kaniyang pagbubuntis. Pero pagtiyak ni Diana, maraming dapat abangan sa nangungunang primetime telefantasya sa bansa.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nag-bonding sina Diana at ang gumaganap niyang anak sa "Encantadia" na si Inah de Belen sa isinagawang Facebook Live Chat ng GMANetwork.com noong Huwebes.

Sa naturang Live Chat, binati at sinagot ng dalawa ang ilang mga katanungan ng kanilang mga follower.

Ginagampanan ni Diana ang karakter na si SilaSari, habang ang bagong karakter naman na si Deshna ang role ni Inah.

Sa naturang serye, hindi pa batid nina SalaSari at Deshna ang kanilang pagiging mag-ina. Kaya naman excited ang dalawa na malaman ang mga mangyayari pa sa kanilang mga karakter.

"Hinahanap ko na yung roots ko," ani Inah. "Malalaman n'yo kung makikilala ko ba yung mga sang'gre, kung makikilala ko na si LilaSari."

Pahayag naman ni Diana, "Nasa evil side ako 'di ba. Siguro 'yon, kung ano ang pipiliin niya kung good or bad [side]. At saka kung paano niya babalansehin si Deshna saka yung kaniyang love affair."

Nagsisilbing ka-love team ni Diana ang kapwa niya nagbabalik sa "Encantadia" na si Alfred Vargas, bilang si Amarro.

Balik-tambalan din sa "Encantadia" sina Inah at Jake Vargas, na unang nagkasama sa drama series na "Oh My Mama."

Marami pa raw kapana-panabik na eksena ang dapat abangan sa "Encantadia" sa kabila ng pag-alis ni Kylie, bilang si Amihan dahil sa pagbubuntis nito.

"Si Reyna Amihan hahanap-hanapin talaga siya pero sana mapunan namin yung pagkawala niya kahit papaano. Hindi makokompleto ang 'Encantadia' kung walang Amihan," saad ni Diana.

"Pero may aabangan sila," dugtong niya. -- FRJ, GMA News