Filtered By: Showbiz
Showbiz
ALAMIN KUNG BAKIT NAWALAN SIYA NG MALAY

John Regala, nagpaliwanag sa nangyaring insidente sa viral post sa Facebook


Kinumpirma ni John Regala sa programang “Kapuso Mo, Jessica Soho, “ na siya ang lalaking halos walang malay na inaalalayan habang nakaupo sa hagdan ng isang grocery store sa Cavite, na nag-viral ang larawan sa Facebook kamakailan. 

Sa viral photo ng larawan ni John na inaalalayan ng isang lalaki, marami ang naghinala na high-blood ang aktor, na-stroke o kaya naman ay inatake sa puso.

Ayon sa lalaking umalalay kay John na si Toto at nakausap din ng "KMJS," pinainom niya ng tubig ang halos walang malay na aktor habang nakaupo ito sa hagdan.

Pagkaraan umano ng may 30 minuto, bumuti na ang pakiramdam nito pero tumanggi na raw na magpadala pa sa ospital.

Napag-alaman na madalas sa naturang lugar si John dahil malapit ito sa hotel kung saan pansamantala siyang naninirahan habang ginagawa ang kaniyang bahay.

Sa episode ng "KMJS" nitong Linggo, pumayag si John na makapanayam sa lugar kung saan mismo siya hinimatay at tandang-tanda niya ang mga nangyari.

Mainit daw nang mga sandaling iyon at bumili siya ng tubig sa tindahan. Pabalik na raw siya sa hotel nang bigla siyang mahilo, nangatok ang tuhod kaya hindi makalakad, hanggang sa nawalan na siya ng malay.

Pero paglilinaw niya, “hindi po ako na stroke, hindi po ako inatake sa puso, malakas po ako.”

Nagpakita pa ng shadow boxing si John para ipakita na malakas pa ang kaniyang katawan at kaya pa niyang magtrabaho.

Paniwala ng aktor, nangyari ang lahat dahil bumaba ang kaniyang sugar level dahil sa kaniyang diabetes.

Nakaharap din ni John at pinasalamatan ang taong tumulong sa kaniya na si Toto.

Inihayag naman ni Toto na handa siyang tulungan ang sino mang nasa katulad na sitwasyon ni John. -- FRJimenez, GMA News

Tags: johnregala