Glaiza de Castro shares her favorite 'Pirena moment'
Kakaibang “transformations” na raw ang pinagdaanan ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro bilang Sang'gre Pirena sa remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia” mula noong nakaraang taon.
Ngayong naranasan na ng kaniyang karakter ang pagiging masama at mabuti, binalikan ng aktres ang pinakapaborito niyang eksena sa telefantasya.
Kuwento niya sa isang panayam nitong Martes, “Noong masama ako, (favorite ko 'yung) repentance ni Pirena noong nawala ang nanay niya, noong na-realize niya na si Gurna ay, for the longest time, hindi pala loyal at maraming itinatago sa kaniya. Si Gurna lang ang pinagkakatiwalaan niya talaga, tapos malalaman niyang ang daming sikretong tinatago sa kaniya.”
“Ilang araw kong ininda 'yon bago namin makunan 'yung eksena. Hindi ako makatulog kasi sobrang tensed ako. And then, we shot it first thing in the morning,” pagpapatuloy niya.
Si Gurna, na binigyang-buhay ni Vaness del Moral, ang naging tagapangalaga ni Pirena mula pagkabata hanggang sa matuklasan ng Sang'gre ang mga inililihim nitong sikreto.
Kahit na mabait na ngayon si Sang'gre Pirena, matapang pa rin daw ang tingin ni Glaiza sa karakter na kaniyang ginagampanan.
"Natutuwa ako sa character ni Pirena dahil kahit mabait na siya, hindi pa rin nawawala 'yung pagka-fierce. Nandoon talaga 'yung pagiging estriktang ashti niya sa pamangkin niya, sa anak niya," aniya.
Pahayag pa ng aktres, "Nakikita kong disciplinarian siya. Ayaw niyang mangyari sa anak niya at sa pamangkin niya 'yung nangyari sa kaniya noon.”
Maliban sa “Encantadia,” abala rin ngayon si Glaiza sa paghahanda para sa nalalapit na paglabas ng kaniyang bagong album, kung saan tampok ang iba't ibang “stripped down” versions ng OPM songs. -- FRJ, GMA News