ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Glaiza de Castro says 'Encantadia' cast and crew miss Kylie Padilla


Ilang linggo na ang nakalipas mula nang huling mapanood ang Kapuso actress na si Kylie Padilla sa remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na "Encantadia," kung saan binigyang-buhay niya si Sang'gre Amihan.

Kinailangang magpahinga ng aktres mula sa trabaho matapos makumpirmang ipinagbubuntis niya ang panganay na anak nila ng kaniyang nobyong si Aljur Abrenica.

READ: Diana Zubiri sa pagkawala ni Kylie Padilla: 'Sana mapunan namin yung pagkawala niya'

Kuwento ni Glaiza de Castro, na gumaganap bilang Sang'gre Pirena sa telefantasya, hindi raw maiwasan ng cast at crew ng programa na ma-miss si Kylie, na halos araw-araw nilang kasama sa loob ng ilang buwan.

"Sa totoo lang, noong isang gabi lang, pinag-uusapan namin siya. May antics siya na ginagaya namin. Tapos bilang napatahimik na lang kami, at sabi namin, 'Nakaka-miss siya, 'no?'" aniya sa isang panayam nitong Martes.

Pagpapatuloy ng aktres, "Siyempre, nakasanayan nang ilang buwan na magkakasama halos araw-araw. May times na makikita mo na nandoon lang siya sa isang spot, tapos ngayon, pagtingin mo, wala na.

 

A post shared by Glaiza Galura (@glaizaredux) on

 

Aminado siyang naging mahirap para sa kanilang lahat ang pagkawala ni Kylie, lalo na't marami na ang napamanahal sa karakter na binibigyang-buhay nito.

Naging malaking tulong daw sa muling pagbangon ng cast at crew ang suportang ibinibigay ni Direk Mark Reyes, na tinawag niyang "tatay" at "Bathalang Emre" ng buong produksiyon.

Ayon kay Glaiza, "Nagkaroon ng struggle talaga dahil alam naman natin na maraming sumusuporta sa show (dahil sa kaniya), sa YbraMihan. Ang weird rin na tatlo lang ang Sang'gre. Pero siguro, dahil naging strong ang bond ng 'Encantadia,' napupunan ng mga dumarating ngayon 'yung kung anoman ang nawala. Naging strong ang foundation namin."

"Si Direk Mark, parang siya ang tatay namin. Siya si Bathalang Emre... Nagga-guide siya, lalo na kapag low ang spirits namin, especially noong dumating ang unexpected news about Kylie. Siya, parang, 'Kaya natin ito, guys. Basta tulong-tulong tayo. Kakayanin natin.'" dagdag pa niya.

 

 

A post shared by Glaiza Galura (@glaizaredux) on

 

Kahit na hindi na nila madalas makita si Kylie, bahagi pa rin daw ng kanilang pamilya ang aktres, ayon kay Glaiza.

Sa katunayan, hindi na raw sila makapaghintay na mabisita si Kylie at makumusta sa kaniyang pagbubuntis.

"Hindi pa rin siya nawawala sa pamilya namin. Hindi lang siya napapanood ng mga tao sa TV, pero parte siya ng 'Encantadia.' Naging 'Encantadia''yung 'Encantadia' dahil sa kaniya," pagbabahagi ng Kapuso actress.

READ: Glaiza de Castro shares her favorite 'Pirena moment'

Maliban sa “Encantadia,” abala rin ngayon si Glaiza sa paghahanda para sa nalalapit na paglabas ng kaniyang bagong album, na tampok ang iba't ibang “stripped down” versions ng OPM songs. -- FRJ, GMA News