Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mark Herras, nilinaw ang tungkol sa isyung buntis daw si Wyn at kung engaged na sila


Nagbigay na ng pahayag ang Kapuso actor na si Mark Herras tungkol sa tunay na kalagayan ng kaniyang nobyang si Wyn Marquez, at sa tunay na estado ng kanilang relasyon.

Sa Chika Minute report ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, nakapanayam ni ni Lhar Santiago sa taping ng "D' Originals" si Mark na nahiyang umano sa bakasyon nila ng nobyang si Wyn sa Japan.

Sobrang nag-enjoy daw sila sa pamamasyal at pagsa-shopping pero intrigang buntis si Wyn ang sumalubong sa dalawa nang bumalik sa Pilipinas.

"Hindi, tito Lhar, sabi ko nga sa inyo, marami pang gusto [gawin] si Wyn," natatawang pahayag ni Mark.

Wala rin daw katotohanan ang balitang engaged na sila ng kasintahan.

Binigyang kahulugan lang daw ng iba ang inilagay niya sa isang post na emoji na singsing na napapagitnaan ng dalawang puso.

"I'm sorry if I posted something like that. i know maga-assume talaga 'yung mga tao," saad ng aktor.

Wala pa raw sa plano nina Mark at Wyn na magpakasal dahil gusto muna ng aktor na ma-enjoy ng nobya ang pagkadalaga at matupad ang mga pangarap nito tulad ng pagiging isang beauty queen.

Ayon kay Mark, wala siyang tutol kung magdesisyon si Wyn na muling sumali sa Binibining Pilipinas.

Malaki naman ang pasasalamat ni Mark sa GMA Network dahil halos mag-abot daw ang mga project niya at masaya siya sa afternoon show nilang "D'Originals."

Sa nabanggit na programa, makakasama ni Mark ang kapwa "Starstruck" alumni na sina LJ Reyes, Katrina Halili, Elyson De Dios, at ang magagaling na artista na nina Jaclyn Jose at Jestoni Alarcon.

"After nu'ng sa 'Piling Ni Nanay,' na maganda naman po 'yung ipinakita naming lahat, eto, may panibago po ulit na show na kasama po ulit ako so nakakatuwa dahil tuluy-tuloy 'yung trabaho at blessings," ayon sa aktor. -- FRJ, GMA News