Inang OFW, tutulungang makauwi ni Kuya Wil para sa babangluksa ng anak
Sa programang "Wowowin" ni Kuya Wil, naibahagi ng ilang overseas Filipino worker kung gaano kahirap ang buhay na malayo sa mga mahal sa buhay.
Gaya na lang ni Nanay Rose, na tubong Cagayan de Oro, na nagkwento na kababalik pa lang niya sa Abu Dhabi noong nakaraang taon nang bigla siyang ma-stroke at maospital.
Nalampasan man ang naturang pagsubok, kaagad naman itong nasundan ng isa pang dagok sa kaniyang buhay nang biglang pumanaw ang panganay na anak.
Dahil sa kaniyang kalagayan at kababalik pa lang sa Abu Dhabi, hindi nakauwi si Nanay Rose para makita sa huling sandali ang pumanaw na anak.
Kaya ang hiling niya, makauwi sana siya sa darating na Marso para sa babangluksa ng anak.
Si Kuya Wil, hindi nagdalawang-isip na sagutin ang tiket ni Nanay Rose para makauwi sa Marso, na nagpaiyak sa OFW sa tuwa.
Para kay Kuya Wil, hindi man nasilip ni Nanay Rose ang anak sa huling sandali, kahit papaano ay makadalo ito babangluksa ng anak.
Sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap sa buhay ni Nanay Rose, nasa likod naman niya ang iba pa niyang mapagmahal na anak na nagbigay ng mensahe at ipinaalam kung gaano nila kamahal ang kanilang ina.
Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
-- FRJ, GMA News