Sunshine Dizon shares sweetest messages from 'Ika-6 Na Utos' fans
Isa ang Kapuso Afternoon Prime series na “Ika-Anim Na Utos” sa mga inaabangang programa sa GMA Network araw-araw dahil sa tumitinding mga eksena tungkol sa kuwento sa mag-asawa at sa kabit na binibigyang-buhay nina Sunshine Dizon, Ryza Cenon, Gabby Concepcion, at marami pang iba.
Sa harap ng maselang paksa ng serye tungkol sa pamilya, marami ang sumusubaybay sa programa dahil sa mga aral na mapupulot sa bawat eksena.
Sa Facebook Live video nitong Martes, labis ang pasasalamat nina Sunshine at Ryza sa lahat ng mga sumusuporta sa programa, lalo na sa mga personal na nagpapadala ng mensahe sa kanila.
READ: Ryza Cenon, may pakiusap sa mga nagagalit sa kaniya dahil sa role niya sa 'Ika-6 Na Utos'
Ayon kay Sunshine, may mga nagbabahagi sa kaniya ng mga kuwento tungkol sa panonood ng "Ika-Anim Na Utos," mula sa mga bahay, bus, at maging sa labas ng bansa tulad ng America, Dubai, at Vietnam.
"I've been hearing stories na nagsasabing sa loob ng bus, pinapanood tayo. I also have friends in Hong Kong who messaged me and said na pinapanood tayo sa Philippine Embassy. It's been really nice. All over the world tayo—U.S., Canada, Dubai, Vietnam," anang aktres.
Mayroon din daw na nagsasabing napagbubuklod ng programa ang kani-kanilang mga pamilya pagkatapos ng tanghalian.
Kuwento ni Sunshine, "Sa personal message ko sa IG, may mga nagco-comment na thank you daw sa 'Ika-Anim Na Utos' dahil nagiging bonding moment ng family nila... A certain guy messaged me na nasa U.S. daw ang mother niya, at ang bonding nila ay papanoorin ang replay sa YouTube then they talk about it."
"Mayroon ding nagme-message sa akin na for the first time, nakukompleto ang family nila after lunch kasi 'yon ang bonding session nila. Surprisingly, never raw nangyari na buong bahay talaga ay umuupo to watch," dagdag pa niya.
Nagsisilbi umanong inspirasyon ang mga mensaheng ito sa lahat ng mga bumubuo ng "Ika-Anim Na Utos," mula sa cast hanggang sa production team.
"We do our best. Kaming lahat. But we mostly give credit to our production team. Para kaming isang malaking pamilya na nagtutulong-tulong na mapaganda ang show," ayon pa kay Sunshine.
Panoorin ang nakatutuwang interactive Facebook live video nina Sunshine at Ryza, kung saan nagbahagi sila ng iba't ibang kuwento tungkol sa buhay at pag-ibig:
-- FRJ, GMA News