Ang matagumpay na 'Wowowin' show sa Abu Dhabi
Labis ang pasasalamat ng "Wowowin" team sa pangunguna ng host na si Willie Revillame sa mainit na pagtanggap ng mga Kapusong Pinoy sa Abu Dhabi, ang naging unang destinasyon sa gagawing worldwide tour ng programa.
READ: 'Wowowin' show sa Abu Dhabi, katuparan ng pangarap para kay Kuya Wil
Kasama ni Kuya Wil sa dalawang pagtatanghal ng "Wowowin" sa Abu Dhabi National Theater nitong nakaraang buwan sina Donita Nose, Super Tekla, Kimchi, Ariella Arida, at ang direktor na si Randy Santiago.
Bukod sa mga papremyo, napuno ng tawanan ang programa, na may kasamang iyakan dahil sa ginawang pagbabahagi ng mga buhay ng ilang mga kababayang overseas workers.
Dito rin nakita ang bayanihan ng mga Pinoy sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tulong sa kanilang kababayan na nangangailangan.
WATCH: Pinay OFW sa Dubai na may cancer, tutulungang umuwi ni Kuya Wil
WATCH: Kuya Wil, labis na natuwa sa bayanihan para tulungan ang OFW na may cancer
Ang worldwide tour stop sa Abu Dhabi ay dream come true para sa mga GMA Pinoy TV subscribers sa Middle East, na humihiling na makita nang personal si “Kuya Wil.”
“Maraming salamat po sa GMA Pinoy TV, sa tiwala po nila na kami ay nakapag-show para sa inyo… Nandito kami para pasayahin kayo. It’s a reunion ng ating mga Kapuso’t kababayang katulad niyo. It’s a party place, it’s a party day para po sa inyong lahat,” pahayag ni Kuya Wil sa GMA Pinoy TV supporters at OSN subscribers sa Middle East.
Nagpasalamat din sa suporta ng mga Kapusong Pinoy sa Middle East si GMA First Vice President for International Operations Joseph T. Francia.
“Alam kong matagal niyong hinintay si Willie, kaya sana natuwa kayo. Hindi magiging posible ito kung hindi ninyo inaabangan ang programa niya sa GMA Pinoy TV na nasa OSN. Kasama po namin ang OSN sa pagbibigay saya sa inyo. Maraming salamat po sa pagpunta ninyo,” ayon kay Francia. — FRJ, GMA News