ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
DAHIL USO ANG PRANKS SA SOCIAL MEDIA

Michael V. nami-miss ang dati niyang show na 'Yari Ka!'


Matapos ang higit sa 20 taon niya sa showbiz, isa pa rin ang batikang Kapuso comedian at “Bubble Gang” star na si Michael V. sa mga itinuturing pinakamagaling at hinahangaang komedyante sa bansa.

Mula “Bubble Gang” hanggang “Pepito Manaloto,” hindi nagsawa si Bitoy na gumawa ng mga konseptong magpapasaya sa mga manonood.

Bagaman ang “Bubble Gang” at “Pepito Manaloto” ang itinuturing niyang “babies” dahil bahagi siya sa pagbuo ng bawat episodes ng mga ito, ibang programa naman ang itinuturing niyang “most memorable.”

Sa isang panayam nitong Miyerkules, ibinahagi ng komedyante ang dalawa sa pinakapaborito niyang shows— ang “Bitoy's Funniest Videos” at “Bitoy's Adventures in Bilibkaba?”

“Para sa akin, 'yon ang nag-launch talaga ng kakayahan kong mag-impersonate, gumawa ng iba't ibang characters. In general, yung type ng comedy na ginagawa namin na hindi pa nagagawa before, doon sa dalawang shows na 'yon lumabas,” pahayag ng Kapuso star.

Sa dalawang nabanggit na programa nakilala si Bitoy bilang “Master of Disguises” dahil sa iba't ibang karakter na kaniyang binibigyang-buhay sa pamamagitan ng paggamit ng mga wig, costume, at prosthetics.

Lalo raw nami-miss ni Bitoy ang mga dating programang pinagbibidahan sa tuwing nakakanood siya ng iba't ibang pranks sa social media.

Aniya, “Nami-miss ko, nami-miss rin ng mga tao, lalo na 'yung pranks, 'yung 'Yari Ka!' Lalo na ngayong uso ulit ang pranks sa social media... Minsan, hindi na nakakatuwa 'yung iba. Doon ko nami-miss 'yung show. Kapag ginagawa kasi namin, nakakatuwa lang, hindi parang siraulo na nakakasakit. Walang foul.”

READ: Why Michael V. has remained a loyal Kapuso for 22 years

Patuloy na bumibida si Bitoy sa longest-running Philippine gag show na “Bubble Gang” at sa award-winning Kapuso comedy show na “Pepito Manaloto.”

Inaasahan rin na pangungunahan niya ang isang contest sa telebisyon ngayong taon.

Ayon kay GMA SVP for Entertainment TV Lilybeth Rasonable, "Prized possession, that is an understatement. Bukod sa pagiging loyal niya for 22 years, he's very generous with his ideas. He's actively involved in the creative development of the shows he's in, as well as for other shows. Talagang napakahalaga ng kaniyang contribution sa entertainment ng GMA." -- FRJ, GMA News

Tags: michaelv., bitoy