ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Arra San Agustin, aminadong may kaba sa pagganap na reincarnation ni 'Amihan'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi itinanggi ng "Starstruck" 6 alumna na si Arra San Agustin na nakaramdam siya ng pressure sa pagganap niya bilang "sarcosi" sa "Encantadia," o ang reincarnation ng dating reyna ng Lireo na si Amihan, ang role ni Kylie Padilla.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel  sa GMA News "24 Oras," sinabi ni Arra na malaking bagay sa kanyang career ang ibinigay na role sa kaniya sa "Encantadia" kaya labis niya itong ipinagpapasalamat.

"Na-pressure po talaga ako at first. Siyempre naman grabe ang galing ni Kylie, susundan ko si Kylie. Tapos siyempre maraming comparisons lalo na sa mga viewers, sa mga fans. Pero nung nandito na 'ko, nagha-have fun ako specially yung mga kasama ko po, they are all nice and team work," anang young actress.

Bago niya masungkit ang role na sarcosi, regular na napapanood si Arra sa longest gag show na "Bubble Gang."

Kaya naman lalo daw niyang pagbubutihin ang kaniyang trabaho sa magandang role na nakuha sa "Encantadia."

Katunayan, kapag walang taping at trabaho, nasa gym lang ang dalaga para mag-training ng muay thai, na sport din ni Kylie para maging handa sa mga maaksyong eksena sa "Encantadia."

Gayunman, inamin ni Arra, na hindi niya inakalang magiging artista siya dahil ang maging duktor umano ang kaniyang pangarap.

Isang BS Psychology student si Arra sa Dela Salle University bago siya sumali sa Starstruck.

Ipinanganak sa Mindoro, lumaki sa Cavite at ngayo'y solong namumuhay si Arra sa Maynila.

Hilig niyang manood ng mga pelikula kapag nasa bahay, at mag-out of town kasama ang kanyang mga kaibigan sa beach. -- FRJ, GMA News