Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Maine, may nakakatawang ibinuking tungkol kay Alden sa 'Full House Tonight'


 

Isang masayang kuwentuhan ang hatid ng “Full House Tonight” nitong Sabado nang makipag-carpool ang Kapuso host-actress at Asia's Songbirf na si Regine Velasquez kasama ang phenomenal loveteam at “Destined To Be Yours” star na sina Maine Mendoza at Alden Richards.

Maliban sa pagbabahagi ng kanilang karanasan sa kanilang kauna-unahang teleserye, nag-kuwento rin ang AlDub tungkol sa kanilang relasyon sa likod ng camera.

Sa isang bahagi ng segment, natanong ni Regine kung nagkakaselosan ba ang dalawa sa tunay na buhay.

Mabilis na sagot ni Alden, “Wala namang dahilan... Hindi naman nagpapakita 'yung isa ng gesture para mapagselosan ng isa.”

Gayunpaman, tila may alaalang nagbalik kay Maine dahil sa tanong ng Asia's Songbird.

Kuwento ng dalaga, “Nasa Italy kami. Sabi niya, 'Naiinis ako kasi lagi kayong naghaharutan. Talaga ba, Maine? Sa harap ko pa?'”

Matatandaang sa Italy nag-shoot sina Alden at Maine ng “Imagine You & Me,” ang romantic-comedy film na pinagbidahan nila noong nakaraang taon.

Imbes na ibahagi kung sino ang pinagselosan ng Pambansang Bae, nagbigay na lamang ng clue ang dalawa: “Taga-Pilipinas,” anila.

Mapapanood ang phenomenal na tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza gabi-gabi sa GMA Primetime series na “Destined To Be Yours,” ang kanilang kauna-unahang teleserye.

Kasama nilang bumibida rito sina Juancho Trivino, Koreen Medina Lotlot de Leon, Boots Anson-Roa, Gardo Versoza, Janice de Belen, Sheena Halili, RJ Padilla, Tommy Abuel, Ronnie Henares, Ina Feleo, at Dominic Roco. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News