Balanseng pananaw, ang susi ng aktor na si Jestoni Alarcon sa maayos na pamumuhay
Sa edad na 49, nananatiling makisig, maganda ang pangangatawan, at tahimik ang pamumuhay ng aktor at public servant na si Jestoni Alarcon.
At kahit mahigit tatlong dekada na siya sa showbiz, nananatili rin siyang aktibo sa pag-arte. Katunayan, kabilang siya sa mga mapapanood sa bagong GMA program na “D' Originals.”
Ano nga ba ang kaniyang sikreto?
Sa nakaraang episode ng GMA program na “Pinoy MD,” sinabi Jestoni na kailangan lamang na maging positibo at balanse ang pananaw sa buhay.
Maliban sa pag-aalaga niya sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng ehersisyo at pagkain nang tama, sinisiguro rin daw ng aktor na hindi niya napapabayaan ang kaniyang social life.
“I do exercises, I eat the right food. Kailangan rin, siyempre, ang bonding time with friends and family. Kailangan balanse ang buhay,” ayon sa aktor.
Dagdag pa niya, “Sabi nga nila, health is wealth, so i-balanse natin lahat.”
Laman din ng gym si Jestoni at ipinakita niya ang ilan sa kaniyang mga ginagawa sa gym, na maaari din naman daw na gawin sa bahay.
Panoorin ang episode na ito ng “Pinoy MD.”
Click here for more of GMA Public Affairs videos:
-- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News