Filtered By: Showbiz
Showbiz

Model na si Michelle Arceo, itinanghal na 'Miss Wow! Gandang Filipina' grand winner


Kinoronahan na nitong Biyernes ang kauna-unahang grand winner sa beauty contest ng "Wowowin" na "Miss Wow! Gandang Filipina," na si Michelle Arceo, isang modelo at laking California.

Gaya ng mga beauty pageant, nagpatalbugan sa swimsuit, evening gown at Q and A portion ang 23 kalahok, ayon sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras."

Bigatin ang mga judge na kinabibilangan nina 2014 Miss Universe Philippines MJ Lastimosa, GMA Films President Atty. Annette Gozon, GMA First Vice President for Program Management Joey Abacan, at ang mga designer na sina Randy Ortiz, JC Buendia at Avel Bacudio.

Sa huli, ang girlfriend ng aktor na si Albie Casiño na si Michelle, ang itinanghal na "Gandang Filipina" grand winner.

Nang unang mapanood si Michelle sa kompetisyon, sinabi nito na sumali siya sa "Gandang Filipina" para mapasaya ang kaniyang ina na fan ni Kuya Wil.

WATCH: Girlfriend ng isang young actor, sumali sa 'Miss Wow'

Kaya naman hindi umano inasahan ng dalaga na siya ang mag-uuwi ng korona, cash prize at kontrata mula sa GMA Artist Center.

Sa question and answer portion, tinanong si Michelle kung ano ang problemang pinagdadaanan ng millennials ngayon.

Isinagot ng dalaga ang social media dahil nagiging mabilis umanong maghusga ang mga kabataan dahil sa kanilang nakikita at nababasa sa modernong paraan ng teknolohiya.

Hindi naman maituturing baguhan sa showbiz si Michelle dahil sa kaniyang pagmomodelo at paglabas na rin sa ilang telebisyon, gaya ng "Bubble Gang,"  mula nang manirahan siya sa bansa.

Samantala, itinanghal naman na "Gandang Filipina" 1st runner-up ang taga-Bulacan na si Lady Justerinnie Santos, at 2nd runner-up ang Cebuana beauty na si Camille Canlas. -- FRJ, GMA News