Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bahay ng magkapatid na Sanya Lopez at Jak Roberto, pinasok ng kawatan


Pinasok ng menor de edad na magnanakaw ang bahay ng magkapatid na Kapuso stars na sina Sanya Lopez at Jak Roberto sa Tandang Sora, Quezon City. Ang nakatakas na kawatan, nakaiwan pa raw ng relo na hindi pag-aari ng magkapatid.

Sa ulat ni Mark Sembrano sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabi ni Sanya na nakapasok sa kanilang bahay ang magnanakaw sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana sa kaniyang kuwarto na nasa ikalawang palapag nitong Huwebes ng madaling araw.

Nasa taping ng "Encantadia" at wala umano ang aktres sa bahay nang mangyari ang insidente.

Mula sa kuwarto, bumaba ang salarin sa hagdan pero nakasalubong nito ang manager ng magkapatid.

Kuwento ni Jak, kaagad na tumakbo ang magnanakaw nang makita ang kanilang manager at tumakas sa pagdaan sa mas malaking bintana.

Natangay ng kawatan ang cellphone ng kanilang kasambahay. Pero dahil sa pagmamadali, may naiwan daw itong relo na hindi naman nila pag-aari.

Dahil sa nangyari, kinabitan na ng grill ang mga bintana ng bahay.

Nagpapasalamat si Sanya na walang nasaktan sa kaniyang pamilya sa naturang insidente pero nagbigay daw ito ng takot sa kaniya.

"After nung nagyari hindi ako makatulog. Kasi konting may bumagsak lang, nakahawak na agad ako sa puwedeng ihampas sa kaniya," anang aktres.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente. -- FRJ, GMA News