Robin Padilla, ipinaliwanag ang nararamdaman tungkol sa pagbubuntis ni Kylie
Masaya ang batikang action star na si Robin Padilla dahil bukod sa kasama na niya ang asawang si Mariel Rodriguez at ang kanilang anak na si Baby Isabella dito sa Pilipinas, pareho ring buntis ang anak niyang sina Kylie Padilla at Queenie Padilla.
Limang buwan nang dinadala ng Kapuso actress at “Encantadia” star ang magiging panganay na anak nila ng kaniyang fiance na si Aljur Abrenica, at nakatakda na nga ang isang gender reveal party sa darating na Mayo.
Gayunpaman, hindi raw maiwasan ni Robin ang mag-alala para sa kaniyang anak.
Aniya sa panayam ng “Unang Hirit” nitong Lunes, “Hindi ako masyadong excited. Siyempre, gusto kong makapanganak muna siya nang mahusay. Kapag nandoon na, baka doon na ako magiging excited.”
Handa na nga bang maging lolo ang tinaguriang Bad Boy of Philippine Cinema?
“Nasa edad na naman siya—malamang handa na siya. Ako, hindi pa handa,” aniya.
Tanging hiling raw ng proud father, makapanganak nang maayos sina Kylie at Queenie.
Ayon kay Robin, “Basta normal. Babae, lalaki, tomboy, o bakla, walang nang problema sa akin 'yun.”
Payo pa niya sa mga ito, gawing priority ang kanilang mga anak, at — para kay Kylie — maging handang mag-sakripisyo at panandaliang lisanin ang showbiz para matutukan ang bata. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News