Pelikula ni Iza Calzado, rated 'R-18' na mula sa dating 'X' na ibinigay ng MTRCB
Maaari nang ipalabas sa mga sinehan sa Pilipinas ang psycho-thriller movie na pinagbibidahan ni Iza Calzado na Bliss. Ito ay makaraang baguhin ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) ang naunang rating na ibinigay nila sa naturang pelikula.
READ: 'Bliss' movie ni Iza Calzado na binigyan ng X-rating ng MTRCB, isasalang sa second review
Sa Instagram post ng manager ni Iza na si Noel Ferrer, inilagay nito ang larawan sa naging desisyon ng second review ng MTRCB na nagbibigay ng R-18 sa "Bliss."
Nakasaad sa IG post na ang kasama sa komite na nagsagawa ng second review ay sina Elizabeth Rose Orteza, Jeremiah Jaro, Mari Consoliza Laguardia. Jose Romero IV, at Gladys (Reyes) Sommereux.
"The second review committee maintains that what's in the film--realistic depiction of abberrant sexual activity, sexually-oriented dialogue, profanity and gore--can be seen by adults," saad sa desisyon.
Sa unang review na may tatlong miyembro ng MTRCB na sumuri, dalawa sa kanila ang nagmarka sa pelikula na "x", o hindi maaaring ipalabas sa mga sinehan, habang isa ang nagmarka ng "R-18."
Sa nakamit na tagumpay ng pelikula sa ikalawang review, umaasa si Noel na tatangkilin at susuportahan ng mga moviegoers ang naturang pelikula na isinali sa nakaraang Osaka Film Festival sa Japan.
"The next battle is - gaining more theaters to show the film, and most importantly, bringing the filipino audiences back to the theaters," bahagi ng caption ng IG post ni Noel.
Kinilala sa naturang festival ang husay sa pagganap ni Iza na ginawaran ng "Yakushi Pearl Award" o pagkilala bilang Best Performer.
Ang "Bliss" ay kuwento ng isang aktres na naging film producer at nagkaroon ng mga makapanindig-balahibong karanasan kasunod ng isang aksidente. -- FRJ, GMA News