Alamin kung sino ang ka-text ni Julie Anne na 'pinagselosan' ni Benjamin
Aminado ang Kapuso actor at "Pinulot Ka Lang Sa Lupa" star na si Benjamin Alves na hindi niya maiwasan minsan na magselos kapag may ka-text ang kaniyang leading lady at Asia's Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose.
Gaya na lang ng isang insidente nang makita niyang may ka-text si Julie Anne at natatawa. Pero ang hindi alam ng aktor, kilala pala niya at malapit na malapit sa puso niya ang ka-text ng dalaga.
"Minsan, kapag magkasama kami ni Julie, may ka-text siya tapos natatawa. Nagseselos ako," kuwento ni Ben.
"'Yon pala, nanay ko ang kausap niya... They're very close. They're phone pals," dugtong niya.
Kahit hindi pa nagkikita nang personal, malapit na raw agad ang loob ng ina ni Ben kay Julie Anne.
Sa katunayan nga, hindi na raw ito makapaghintay na makilala ang aktres.
Pabirong sabi ng aktor, "Mas close pa sila.... Mas kinukumusta pa nga si Julie kaysa sa akin."
"They're really excited to meet each other," pagtatapos niya.
Umaasa ang aktor na maisasama niya sa Guam ngayong taon ang aktres para maipakilala sa kaniyang mga magulang na doon naninirahan.
READ: Benjamin, nais na maipakilala si Julie Anne sa kaniyang pamilya na nasa Guam
Mapapanood sina Ben at Julie araw-araw sa GMA Afternoon Prime series na "Pinulot Ka Lang Sa Lupa," kasama sina Martin del Rosario, Ara Mina, Victor Neri, Lharvy Policarpio, Geline Eugenio, Allan Paule, at Janna Dominguez. -- FRJ, GMA News