Derrick Monasterio, nagbabawas ng timbang para sa 'Mulawin Vs Ravena'
Todo na sa paghahanda ni Derrick Monasterio para sa pagganap niya bilang si "Almiro" sa inaabangang telefantasyang "Mulawin Versus Ravena".
Pero sa halip na magpalaki ng katawan, sinabi ni Derrick na nagbabawas siya ng timbang para maging madali ang kaniyang paglipad gamit ang harness.
Sa "Starbites" report ni Nelson Canlas sa "Balitanghali" nitong Biyernes, ipinakita na hindi basta-basta ang paglipad na may harness dahil kailangang matiyak ang kanilang kaligtasan at dapat pulido ang bawat galaw na kailangan sa mga eksena.
Ang karakter na gagampanan niya na si Almiro, ay ang magiging bunga ng pag-iibigang Alwina at Aguiluz.
Pero pag-amin ni Derrick, mas mahirap para sa kaniya ang arnis training para sa fight scenes.
"Harness hindi masyado, mas mahirap yung arnis para sa akin. Kasi it involves fighting eh, ano pa naman ako, I've never fought anyone in my life like fist fight, wala," ayon sa aktor. -- FRJ, GMA News