Aling Kapuso comedian ang pinaglilihian raw ni Camille Prats?
Isang kakaibang realization ang nakuha ng Kapuso host-actress na si Camille Prats habang naglalaro ng “Grab-a-word” sa talk show na “Mars” nitong nakaraang linggo.
Nang makuha niya ang salitang “bus,” inamin ni Camille na isang Kapuso comedian ang nais niyang makasama sa isang long bus ride ngayong summer.
“Willing akong i-endure ang long ride sa bus basta kasama kong mag-bakasyon this summer basta kasama ko ang Kapuso star na si Jerald Napoles,” pagbabahagi ng aktres.
Dagdag pa niya, “Para hindi ako mainip! Grabe 'yung tawa ko sa kaniya noon!”
Matatandaang isa si Jerald sa mga naging guest ng “Mars” kamakailan lamang, at tuwang-tuwa nga si Camille sa mga paandar ng kilalang komedyante.
Aniya, “Feeling ko nga pinaglilihian ko siya kasi nasa isip ko pa rin siya hanggang ngayon. Oh my gosh!”
Kasalukuyang ipinagbubuntis ni Camille ang unang anak nila ng kaniyang asawang si VJ Yambao. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News