Amalia Fuentes, ginawaran ng Lifetime Achievement Award ng Gawad Pasado
Ang binansagang Elizabeth Taylor ng Pilipinas na si Amalia Fuentes ang ginawaran ng Dangal ng Pasado Lifetime Achievement Award ng Gawad Pasado dahil sa kaniyang mga naimbag sa Philippine showbiz.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ang apo ni Amalia na si Alfonso Martinez ang tumanggap ng parangal para sa kaniyang lola.
Hindi nakadalo ang dating aktres sa pagtitipon para personal na tanggapin ang parangal dahil patuloy pa itong nagpapalakas matapos makaranas ng mild-stroke noong nakaraang taon.
"When I take this home I'm sure she'd be more than ecstatic to be accept something like this," ayon kay Alfonso.
Sinabi rin ni Alfonso na patuloy na bumubuti ang lagay ng kaniyang lola na sumasailalim sa physical therapy.
"It affected her motor functions it is not as easy getting around. She's getting better. She has physical therapy, she's recovering, she can speak," pagbahagi niya.
Isa pang pagsubok na kinakaharap ng pamilya nina Alfonso ang pagpanaw nitong Miyerkules ng kanilang lolo, na dating matinee idol na si Romeo Vasquez.
Aniya, malaking kawalan sa kanilang pamilya ang pagpanaw ng kanilang lolo Bobby.
Kahit hirap pa rin tanggapin ang lungkot at pangungulila, ipinapasa Diyos na raw nila ang kanilang lolo.
"Since my mom [Liezl Martinez] passed away and my lolo Bobby makes her laugh so much at least they're both in a better place," ani Alfonso.
Magtutungo ngayong linggo sa Amerika ang pamilya ni Alfonso para sa burol ng kanilang lolo Bobby. -- FRJ, GMA News