Mga artista, nakidalamhati sa pagpanaw ni Alfie Lorenzo
Sa edad na 78, pumanaw na ang beteranong talent manager at kolumnista na si Alfie Lorenzo nitong Martes, Agosto 1, nang atakihin sa puso.
Bukod sa pagiging tanyag na kolumnista, kilala rin si Alfie bilang isang mabait, prangka at masayahing tao sa mundo ng entertainment, kung kaya't dumagsa ang pakikiramay ng kanyang mga kaibigan at kasamahan sa trabaho.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang GMA News "Unang Hirit" nitong Miyerkules.
Kasalukuyan ngayong nakaburol ang labi ni Alfie sa Arlington Memorial Chapels sa Quezon City, kung saan punong abala si Judy Ann Santos, kanyang anak-anakan at dating hawak na artista.
"Hangga't maaari, ayoko sanang maging malungkot kasi we should celebrate his life. Magkakaroon ng mass sa gabi, 8pm and then, Thursday morning ng 9am, magkakaroon pa ng last mass dito sa chapel before siya dalhin sa Carmelites Sisters for an hour of blessing kasi devotee siya doon. So ang request ko lang is maidaan siya doon," pahayag ni Juday.
Inamin ni Juday na naayos din ang hindi nila pagkakaunawaan noon at bumalik din ang dating samahan nila ni Alfie matapos niyang magdesisyong humiwalay ng management.
"Maayos akong nakapagpaalam sa kanya. Maayos akong nakapag-sorry. Kaya siguro rin, wala akong masyadong hinaing, kasi alam ko sa sarili kong at peace akong nagpaalam sa kanya at nagpasalamat ako sa kanya. I was able to say everything that I wanted to tell him," ani Juday.
Nasa burol din ang aktres na si Sunshine Cruz, na nagpapasalamat sa pagtulong ni Alfie sa kanyang career.
"Wala naman akong ibang masasabi kundi maraming salamat sa kanya. Kasi siya 'yung talagang naglakas ng loob at nakakita sa akin when I was 15 years old. Siya 'yung nagtiwala sa akin, inalagaan niya ako. At lagi niya akong pinagtatanggol."
Nagpaabot naman ng pakikiramay sa pamamagitan ng social media ang iba pang artista tulad nina Ai-Ai delas Alas, Pia Guanio at Assunta De Rossi-Ledesma.
Mananatili magpakailanman ang markang iniwan ni Alfie sa mundo ng entertainment. — LA/KVD, GMA News