Korean actress Kim Hye Jin at Heart Evangelista, nagkaroon kaagad ng instant connection
Dahil parehong mahilig mag-painting, nagkaroon kaagad ng instant connection ang "My Korean Jagiya" leading lady na si Heart Evangelista at ang Korean actress na si Kim Hye Jin.
Sa Starbites report ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing dumalaw sa set ng "My Korean Jagiya" si Hye Jin, para bisitahin ang kaibigan at Korean aktor na si Andy Ryu, na kasama sa nabanggit na Kapuso series.
Nais din daw na makilala ni Hye Jin ang mga katrabaho ni Andy sa "My Korean Jagiya" na sina Heart at ang Korean actor din na si Alexander Lee, na nagsilbi na rin nilang interpreter.
Niregaluhan ni Hye Jin si Heart ng isang scarf na na mayroon niyang hand-paint.
Ikinatuwa naman ng Kapuso actress at inimbitahan ang Korean actress na maghapunan.
Si Hye Jin ay kasama sa cast ng ilang popular na Korean drama series tulad ng Iris at ng historical drama na Dong Yi na parehong ipinalabas sa GMA.
Kapwa na nag-e-enjoy daw sina Andy at Hye Jin sa kanilang pananatili sa Pilipinas at magkakasama pa nga raw silang nanood ng pelikulang "Trip Ubusan" sa imbitasyon ng "My Korean Jagiya" director na si Mark Reyes.
Nang tanungin si Hye Jin kung gusto rin ba niyang subukan ang Philippine showbiz, masayang sabi ni Hye Jin, puwede siyang imbitahan na makasama sa "My Korean Jagiya."-- FRJ, GMA News