Sinon Loresca, itinangging sinaktan ang PA
Humingi ng paumanhin si Kapuso "Catwalk King" Sinon Loresca ukol sa napabalitang away na nag-ugat umano sa pananakit niya sa kanyang personal assistant.
Ayon sa ulat ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Linggo, nilinaw ni Loresca na ang nangyari ay bunga lamang umano ng hindi pagkakaunawaan.
Sa isang video sa Facebook, inamin ni Loresca na nagkasakitan sila ng isang lalaki. Nilinaw din niya na hindi niya sinaktan ang kanyang personal assistant na si Nadia.
"Humihingi po ako ng sincere apologies sa nangyari... kung ano man po ang nangyari sa atin kagabi, nagkasakitan tayo. Hindi po 'yun bugbugan na super seryoso po, ganon po kami maglambing," saad ni Loresca.
Kumalat ang umano'y alitan nang magpost ang isang Drew Fernandez na sinaktan umano ni Loresca ang kanyang partner na si Farhad nang sabihan siya nito na humingi ng paumanhin kay Nadia. — Anna Felicia Bajo/BM, GMA News