Gelli de Belen balik-Kapuso para sa ‘Ika-5 Utos’
Muling nagbabalik-Kapuso ang actress-host na si Gelli de Belen, kasabay ng pagkakabilang niya sa cast ng bagong GMA series na "Ika-5 Utos."
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing kabilang sa stellar cast sina Jean Garcia, Valerie Concepcion at ang magnobyong sina Inah de Belen at Jake Vargas.
Magiging mas matapang, mas matindi at mas nakakaintriga ang kuwento ng Ika-5 Utos, kung saan gaganap sina Jean, Valerie, at Gelli bilang mga matatalik na magkakaibigan na susubukin ng mga trahedya, kasama na ang kanilang mga pamilya.
Malayo sa karakter niyang si Teresa sa "Kambal, Karibal" ang bagong heavy drama na gagampanan ni Jean.
"Sobrang, 'yung excitement ko dahil 'yun sa makakatrabaho kong si direk Laurice [Guillen], plus 'yung mga actors na makakasama namin," ayon kay Jean.
Hindi naman nagdalawang-isip si Gelli na tanggapin ang proyekto.
"I'm happy about the new show, excited about it, it's a different story, and it takes off from the Ika-6 Na Utos," ayon naman kay Gelli.
Natutuwa rin si Gelli na makasama sa unang pagkakataon ang pamangkin niyang si Inah at Jake.
Gaganap si Jake bilang kaniyang anak.
Hindi naman naiwasan nina Inah at Jake na makaramdam ng pressure.
"Medyo kinakabahan nga ako eh, it's like 'Paano ko magagawa 'yun? Mahirap talaga pero it's worth watching," sabi ni Inah.
"Hindi na sa tweens tweens, medyo bad side," sabi ni Jake.
Kasama rin sa cast sina Tonton Gutierrez, Jeric Gonzales, Antonio Aquitania, Migo Adecer at Klea Pineda.
"Sana kung gaano ka-successful ang Ika-6 Na Utos ganu'n din ka-successful 'yung Ika-5 Utos," eh magaling naman talaga si direk Laurice," saad ni Jean. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News